By

Recto sa Sanofi: Isoli n’yo ang ibinayad na P3.5-B

Sharing is caring!

Ipinababawi ni Sen. Pres. Pro tempore Ralph Recto ang P3.5 bilyon na ibinayad nito sa Sanofi Pasteur para sa kontrobersyal na anti-dengue vaccines.

Batay sa umiiral na Government Procurement Reform Law o o Republic Act 9184, sinabi ni Recto na obligasyon ng gobyerno na bawiin ang ibinayad nito para sa sablay na produkto at serbisyo.

“RA 9184 has an anti-lemon provision. It is discussed extensively in Section 62, which deals with faulty, defective substandard goods and services. The bottomline is that the government is entitled to restitution,” ayon kay Recto.

Sa batas ding ito, katungkulan naman umano ng kumpanyang Sanofi na ibalik ang natanggap nitong bayad dahil saklaw ito ng warranty.

Sa lahat aniya ng mga kontrata ng gobyerno, dapat may kasamang warranty kung saan kailangang magsauli ng kontratista ng bayad kapag may depekto ang kanilang ibinigay na produkto at serbisyo.

Katulad ito ng warranty sa mga public works project na kung palpak, maaring ipasauli ng gobyerno ang ibinayad nito.

Kung wala ito sa kontrata sa Sanofi, sinabi ni Recto na mayroong hindi gumawa ng kanilang trabaho.

“This is a standard clause in government contracts. Kung wala ito sa kontrata sa pagbili ng bakuna, may natulog sa pansitan,” ani Recto.

“Kung ang isang bagay na nabili, tulad ng gamot, ay hindi pwede palitan, kasi wala namang ipapalit, then government can demand reimbursement,” dagdag nito.

Idiniin ng senador na hindi maaring umiral dito ang “no return, no exchange policy.”

“Bumili ka nga ng plantsang sira, pwede mong isauli, ito pa kaya,” dagdag ng senador.

Kung gusto aniyang magpakita ng goodwill ng Sanofi, magbabalik ito ng ibinayad ng gobyerno.

“Kaya ito ang reseta natin sa Sanofi: Isauli ninyo ang bayad,” ani Recto. (Isaac Mendez)

Abante TNT would love to hear your views on this...